MANILA, Philippines — Tinuklaw ng Black Mamba ang Hyperwash, 91-83 upang palakasin ang tsansa nito sa playoffs sa umiinit na 2019 PBA Developmental League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kumonekta ng 21-puntos sa perpektong 10-of-10 shooting si Bobby Balucanag sahog pa ang siyam na rebounds at isang steal sa 26 minutong aksyon lamang upang giyahan ang atake ng Black Mamba.
Nag-ambag din ng 14 puntos, tatlong rebounds at apat na assists si Jett Vidal habang may 13 at 12 markers, ayon sa pagkakasunod sina Kimley Medina at Peejay Barua para kay coach Vis Valencia.
Bunsod nito ay nasikwat ng Black Mamba ang ikalawang sunod na panlao upang umangat sa 3-1 baraha para sa solo tersera puwesto sa Group B sa likod lamang ng playoff-bound squads na BRT Su-misip Basilan-St. Clare (4-0) and TIP (5-1).
Makakasiguro ng puwesto sa playoffs ang Energy Drink kung makakalusot ito sa imakuladang St. Clare sa Lunes sa krusyal nilang sagupaan.
“We wanted this win to close in on our goal of sealing a playoff spot. I feel like we’re pretty safe at third place now with 3-1 card but we need one more to clinch it,” ani Valencia.
“Our team is slowly peaking up, just enough entering the playoffs. I’m confident in our chances heading into the playoffs,” dagdag pa niya.
Bagama’t kagagaling lang sa dikit na 80-75 panalo kontra sa Italianos’ Homme noong nakaraang Huwebes, bigo ang Black Mamba na makaratsada sa magandang simula nang magkasya lamang sa 9 na puntos sa first quarter.
Subalit sa likod ni Balucanag, nag-init ang Black Mamba lalo na sa fourth quarter kung saan nagpa-kawala sila ng 16-7 birada upang palakihin sa 85-76 kalamangan ang dikit lang na 69-67 abante.
Sa isa pang laro, nakaiskor sa wakas ng unang tagumpay ang Alberei matapos ang 61-51 panalo kontra sa Italianos’ Homme.
Nahulog sa 2-3 ang Vipers at kailangang maipanalo ang huling laban nito upang manatiling buhay ang pag-asang makapasok sa playoffs ng 14-team Dleague tourney.