Cignal proud pa rin

MANILA, Philippines — Wala raw dapat ikahiya ang Cignal HD Spikers kahit na bigo itong madagit ang inaasam na korona sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference, ayon sa kapitanang si Rachel Ann Daquis.

Bigong makapuwersa ng ‘winner-take-all’ Game 3 ang HD Spikers matapos silang walisin ng F2 Logistics sa Game 2 ng championship round, 14-25, 16-25, 19-25 noong Martes ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.

Kahit na hindi naging pabor sa tropa ang kinalabasan ng seryeng ito, pinagmamalaki pa rin ni Rachel Anne Daquis ang tropa dahil nagawa nilang makatungtong sa podium mula sa fourth place finish nila noong 2018.

“True [walang dapat ikahiya], sabi nga nila, silver ‘yan. ‘Yung nakakaproud na panglima ka ‘di ba? Na ngayon nakaapak ka at nakakuha ka pa ng silver sobrang nakakaproud ‘yung team,” ani Daquis na pingalanan ding 1st Best Outside Spiker sa conference na ito.

Hindi rin biro ang pinagdaanan ng HD Spikers para makarating kung nasaan man sila ngayon, mula fifth place sa pagtatapos ng two-round eliminations ay nagawa nilang padapain ang Generika-Ayala sa quarterfinals at pababain sa trono ang Petron sa semifinals.

Masaya at kuntento pa rin si Daquis kahit hindi ang championship title ang kanilang naiuwi dahil binigay pa rin sa kanila ang kanyang hiling na matapos ang conference nang nakatungtong sa podium.

“Unang wini-wish namin maka-akyat lang kami sa podium pero ito, binigay Niya sa amin ‘yung se-cond and we’re really contented and happy,” sabi ng dating FEU stalwart.

Show comments