4-gold medals iuuwi ng Philippine Dragon Boat

MANILA, Philippines — Maningning na tinapos ng Pilipinas ang kampanya nito matapos angkinin ang tumataginting na apat na ginto, dalawang pilak at apat na tansong medalya sa prestihiyosong 14th IDBF World Dragon Boat Racing Championships na ginanap sa Pattaya-Rayong, Thailand.

Inalat ang Pinoy squad sa unang apat na araw ng kumpetisyon nang mabigo itong makakuha ng gintong medalya.

Ngunit rumesbak ang Pinoy paddlers sa hu-ling dalawang araw sa 500m at 200m events para magarbong wakasan ang kampanya nito.

Pinagharian ng Pilipinas ang 500m Small Boat Para Dragon Division 1 Open at 500m Small Boat Para Dragon Division 2 Open para tuldukan ang pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya.

Sa final day, muling umariba ang Pinoy squad nang angkinin nito ang dalawa pang gintong medalya makaraang mamayagpag ito sa 200m Small Boat Para Dragon Division 1 Open at 200m Small Boat Para Dragon Division 2 Open.

Nauna nang nakahirit ng dalawang pilak na medalya ang Pilipinas sa 200m small boat senior open category at sa 200m small boat senior mixed events.

Nakahirit din ng apat na ginto ang Pilipinas sa 500m small boat senior open, 500m small boat senior mixed, 2000m small boat senior open at 2000m small boat senior mixed.

Nilahukan ang torneo ng mahigit 500 atleta mula sa may 20 bansang miyembro ng International Dragon Boat Federation.

Show comments