MANILA, Philippines — Lumasap si Vic Saludar ng unanimous decision loss kay Puerto Rican Wilfredo Mendez upang mahubaran ng World Boxing Organization (WBO) minimumweight world title kahapon sa Puerto Rico Convention Center sa San Juan, Puerto Rico.
Nagawang mapatumba ni Saludar ang hometown bet sa second round.
Ngunit hindi ito sapat para makuha ang panalo.
Pumabor ang tatlong hurado sa Puerto Rican fighter – 117-110, 115-112 at 116-111.
Maluwag na tinanggap naman ni Saludar ang kabiguan.
“Okay lang ang laban ko kahit talo ako at least ginawa ko lahat ng aking makakaya, kahit dito pa sa kanila,” anang 28-an-yos na tubong Polomolok, South Cotabato.
Nahulog sa 19-4 tampok ang 10 knockouts ang rekord ni Saludar habang umangat sa 14-1 ang marka ni Mendez.
Dumaan sa matin-ding pagsubok si Saludar bago ang laban.
Nakarating lamang ito sa Puerto Rico noong Martes – apat na araw bago ang laban – kaya’t wala itong sapat na panahon para makarekober sa jetlag at makapag-acclimatize sa naturang Caribbean country.
Hindi rin nakarating sa Puerto Rico ang kanyang trainer na si Jojo Palacios matapos mabigong makakuha ng US visa.
Humalili kay Palacios si Bobby Villaver – isang Hawaii-based coach na kaibigan ni Palacios.
“Of course I will not agree about the decision but the best thing to do is accept. We already knew that if the fight will go the distance they will win,” ani Palacios.