Gilas-Australia magkikita
MANILA, Philippines — Sa unang beses mula nang mangyari ang kalimut-limot na ‘basketbrawl’ noong nakaraang taon ay magpapangbuno ulit ang Pilipinas at Australia sa ‘Goodwill Games’ para sa misyong mahilom ang mga sugat ng nakaraan.
Dalawang friendly games ang nakapila para sa Gilas Pilipinas at Australian team na Adelaide 36ers ngayong araw at sa Linggo sa Meralco Gym bilang bahagi ng pinal na paghahanda ng Nationals para sa nalalapit na 2019 FIBA World Cup.
Magaganap ang unang scrimmage ngayong alas-6 ng gabi sa Meralco Gym sa Ortigas, Pasig City.
Paraan ito ng dalawang bansa upang maibalik ang dating magandang relasyon sa pagitan nila na nagkaroon ng lamat bunsod ng rambulang naganap noong nakaraang Hulyo sa noon ay idinaraos na 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Malaking parusa ang naipataw ng FIBA sa parehong basketball federations noon kung saan 10 manlalaro ang nasuspinde sa Pilipinas, habang tatlo naman ang sa Australia. Napatawan din ang Pilipinas ng 250, 000 Swiss francs na multa at 100, 000 swiss francs naman ang natamo ng Australia.
Ngayon, susubukan ng parehong bansa na ibaon na sa limot ang mga iyon sa tulong ni dating PBA import para sa Presto na si Joey Wright na nagsilbing tulay upang maisakatuparan ang makasaysayang Goodwill Games na ito.
- Latest