MANILA, Philippines — Sumagwan ang Pilipinas ng isang pilak na medalya sa pagsisimula ng prestihiyosong 14th IDBF World Dragon Boat Racing Championships na ginaganap sa Pattaya-Rayong, Thailand
Nasikwat ng Pinoy paddlers ang pilak na medalya sa 2,000-meter senior mixed small boat category matapos magrehistro ng 10 minuto at 10.309 segundo sa event na nilahukan ng mahigit 20 bansa.
Pumangalawa ang Pilipinas sa Canada na nagtala ng malayong siyam na minuto at 53.401 segundo habang napasakamay naman ng Amerika ang tansong medalya bunsod ng naisumite nitong 10:25.130.
Tinalo ng Canada, Pilipinas at Amerika ang host Thailand, Spain,China, India, Japan at Great Britain sa finals ng event na inorganisa ng International Dragon Boat Federation.
Hindi naman pinalad ang Pinoy squad sa 2,000-meter senior open small boat event nang magtapos lamang ito sa ikaapat na puwesto.
Naglista ang Pilipinas ng 9:45.815 – kapos lamang ng gahiblang oras mula sa bronze winner na Germany na may (9:45.590).
Nanguna ang gold medallist Ukraine na may 9:35.183 kasunod ang silver medallist Thailand (9:37.093).