Okay lang kay coach Sherwin Meneses
MANILA, Philippines — Bigong makuha ng Generika-Ayala Lifesavers ang target nito na makatapak sa Final Four ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference pero maluwag pa rin itong tinanggap ni head coach Sherwin Meneses.
Tinapos ng Cignal HD Spikers ang pangarap ng Lifesavers na makalusot sa semifinals ng All-Filipino tourney na ito nang matalo sila nito, 15-25, 25-17, 18-25, 22-25 sa quarterfinals match nila noong Sabado.
Masakit man ay maluwag na tinanggap ni Meneses ang naging bunga ng kanilang kampanya ngayong conference ngunit sinabi niyang susubukan nitong bumalik at bumawi.
“Ganun talaga. Medyo masakit. Na-out kami sa All Filipino. ‘Di namin na-reach ‘yung goal namin. Pero sabi ko naman sa players, ‘di pa katapusan ng mundo. May next conference pa naman,” sabi ni Meneses.
Hindi aniya dahilan ang pagkawala ng kanilang leader at isa sa mga leading scorer na si Angeli Areneta na uminda ng Acute Anterior Cruciate (ACL) sa kanyang kaliwang tuhod sa kampanya nila ngayon.
Inamin din ni Meneses na hindi naging bentahe sa kanila na nagawa nilang pabagsakin ang HD Spikers sa kanilang eliminations meetings dahil alam naman ng lahat ang kakayahan ng mga ito.
“Actually ‘yung Cignal naman talaga, contender team eh. ‘Di namin kino-consider na advantage namin yung 2 wins namin sa elims. Strong team talaga sila,” dagdag niya.
- Latest