MANILA, Philippines — Walang balak ang kampo ni eight-division world champion Manny Pacquiao na tumunganga at hintayin ang magiging desisyon ni undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.
Handa ang Pinoy champion na harapin sinuman ang mapili sa mga kandidatong nakapila para sa pagdepensa ng kanyang World Boxing Association (WBA) super welterweight title sa Enero.
“We will fight who-ever is presented and try to make entertaining fights for another year into 2020. And that’s even though the Senator, at this point in his career, takes one fight at a time,” ani MP Promotions chief Sean Gibbons sa panayam ng World Boxing News.
Ngunit tiniyak ni Gibbons na preparado si Pacquiao sakaling magpasya si Mayweather na ikasa ang rematch na inaasahang tatabo sa takilya.
“Until we get any indication from Floyd, we’re carrying on. Funnier things have happened in life. You just don’t know when that one day is, maybe the guys get the itch. Maybe he says, ‘I’m tired of people talking about it again,” ani Gibbons.
Nais ng Team Pacquiao na makabawi sa tinamong unanimous decision loss ng Pambansang Kamao sa unang pagharap nito kay Mayweather noong 2015.
Wala na aniyang balakid sa pagkakataong ito hindi tulad sa Pacquiao-Mayweather 1 kung saan may iniindang shoulder injury ang Pinoy pug.
“We would love to be able to avenge that loss because the senator feels a few things happened before that fight with his shoulder and some other issues that he wasn’t really 100%. It’s always out there, can it happen? Maybe. Will it happen? We have no idea,” dagdag ni Gibbons.
Sa ngayon, nakasentro ang atensiyon ni Pacquiao sa kanyang tungkulin sa Senado ngunit nasa schedule pa rin nito ang ensayo para manatiling nasa porma at kondisyon ang kanyang pangangatawan.
Paghahandaan ni Pacquiao ang sunod na laban nito sa Enero subalit wala pang linaw kung sino kina Shawn Porter, Mikey Garcia at Danny Garcia ang makakasagupa nito.