Nagsimula ng magpagalingan na lamang sa laro ang San Miguel Beer at TNT KaTropa noong Linggo ng gabi, liban na nga lamang sa dalawang eksena sa endgame.
Naroon ang singhalan nina Terrence Jones at Arwind Santos at ang isa pang eksena sa harapan ng SMB bench sa tila pagkuyog ng ilang Beermen kay Jones.
Ngunit maliban doon, mas nag-focus ang dalawang koponan sa laro – ang resulta ay ang mas exciting at mas competitive na laban na mas nagpasaya sa mga manonood.
Nakalusot ang San Miguel, 106-101, kaya’t itinabla ang best-of-seven series sa 2-2.
Dahil tumigil sa kanyang tinatawag na “mind game” kay Jones, mas naging epektibo si Chris Ross na tumikada ng eight assists, seven points at six rebounds.
Sa lakas at dami ng kargada ng San Miguel, mukha naman hindi nila kailangan daanin sa pikunan si Jones para sa tsansa na muling humugot ng championship.
Ang aking prediksyon, ang tsansa ng TNT na manalo ay tapusin ang serye sa Game Six. Kung umabot ng Game Seven, tingin ko ay llamado na ang San Miguel dahil sa haba ng rotation ni coach Leo Austria.
Mabuti ay may dalawang rest days kaya medyo makakapagpahinga ang starters ni TNT active consultant Mark Dickel na pawang naglalaro ng mahahabang minuto.
Kung aabot sa Game Seven, baka kapusin na sa hangin at sa legs ang mga KaTropa.
* * *
Patuloy ang paghahanda ni Don Kandong Pabaya at ng kanyang mga ka-batch sa preparasyon para sa grand reunion ng Maysan Elementary School Batch ’78 sa Nov. 23.
Kasama sa mga punong-abala sina Renato Salazar, Boy Nonog, Girlie Cantillon and Theresa Francisco.
Ipinaaabot ni Don Kandong, na sagot niya ang isang litsong baka!