NCAA games kinansela dahil sa bagyo; P100K ibibigay sa earthquake victims
MANILA, Philippines — Dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan ay kinansela ng 95th NCAA Management Committee ang lima sa anim na laro na nakatakdang ganapin kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Kabilang sa nakansela ay ang tatlong laro sa seniors’ division sa pagitan ng Letran Knights laban sa St. Benilde Blazers at ng San Beda Red Lions kontra sa Mapua Cardinals at ng San Sebastian Stags laban sa Arellano Chiefs.
Kahit ang juniors’ games ng SBU Red Cubs at Mapua Red Robins at ng SSC-R Staglets laban sa Arellano Braves ay nakansila rin.
Ang tanging inilaro kahapon ay ang unang junior’s game kung saan nagwagi ang Letran Squires laban CSB-LSGH Greenies, 69-66, para masungkit ang ikatlong panalo sa pitong laro, habang nahulog ang Greenhills-based team sa 4-2 kartada.
“Due to the late suspension of classes, the games scheduled at 10:00 a.m. onwards for Tuesday are cancelled and shall be played on a date and time to be determined later,” pahayag ni ManCom chairman Peter Cayco ng host Arellano University.
Ayon kay Cayco, ang lahat ng nabiling tickets sa mga nakanselang laro ay puwede pang gamitin sa re-scheduled date.
Samantala, nagbigay ng mahigit P100,000 cash donation ang NCAA ManCom sa mga nasalanta ng 5.9 magnitude earthquake sa probinsiya ng Batanes noong nakaraang buwan.
Ayon kay Cayco, tatanggapin ng mga opisyales ng Batanes sa pamumuno ni Governor Marilou Cayco ang nasabing halaga sa halftime ng laro sa pagitan ng Letran Knights at San Beda Red Lions sa Sabado sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
- Latest