Ang pagbabalik ni Poligrates
MANILA, Philippines — Matapos ang apat na taong pagkawala sa basketball action ay nagbalik si Eliud ‘Eloy’ Poligrates para sa Marinerong Pilipino sa 2019 PBA Developmental League Foundation Cup.
Maugong ang naging basketball return ng 31-anyos na Cebuano pero hindi pa ang D-League ang kanyang hangaring destinasyon upang makumpleto ang tunay na basektabll comeback.
Ito ay walang iba kundi ang PBA.
“Ito ‘yung last chance ko kaya pagbubutihin ko sa remaining games namin. Dobleng sikap ako para makabalik ako sa PBA,” ani Poligrates, nagtala ng 19 points, 4 rebounds, 6 assists at 4 steals sa 118-71 panalo ng Skippers kontra sa Hazchem kamakalawa.
Tubong Poro, Cebu at dating manlalaro ng Southwestern University, napili si Poligrates bilang 27th overall pick ng Talk ‘N Text noong 2013 PBA Rookie Draft.
Naglaro rin siya sa Air 21, NLEX at Kia na naging huling koponan niya sa PBA.
Matapos iyon ay sumalang si Poligrates sa D-League para sa Cafe France Bakers na ginabayan niya sa kampeonato noong 2015 Foundation Cup sa ilalim ng ngayon ay Marinerong Pilipino coach na si Yong Garcia.
Habang wala sa basketball action ay ginugugol ni Poligrates ang panahon sa ligang labas sa Cebu, Bohol, Leyte at Mindanao sa nakalipas na apat na taon bago tawagan ng kanyang dating mentor para sa panibagong pagkakataon sa DLeague na posibleng maging daan niya sa PBA.
“Kilala ko na si coach Yong kasi coach ko na siya dati. Kaya hindi ako nagdalawang-isip nang kinuha niya ako,” ani Poligrates.
- Latest