SMBeer vs TNT Katropa sa finals

Si Carl Montgomery ng Rain Or Shine laban kay June Mar Fajardo ng San Miguel sa Game 4 ng kanilang PBA semis series kagabi.
PM photo ni June Mendoza

MANILA, Philippines — Ang San Miguel ang hahamon sa TNT Katropa para sa korona.

Nakabawi ang Beermen mula sa 13-point deficit sa third period para sibakin ang Rain or Shine Elasto Painters, 98-95 sa Game Four ng kanilang semifinals wars para umabante sa 2019 PBA Commissioner’s Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

“It was a dog fight and we got the win,” sabi ni import Chris McCullough, humakot ng 35 points, 18 rebounds, 5 blocks at 3 assists para isara ng San Miguel ang kanilang best-of-five semis duel ng Rain or Shine sa 3-1.

Lalabanan ng Beermen, nasa kanilang ika-42 PBA Finals stint at target ang pang-26 kampeonato, ang Tropang Texters sa best-of-seven championship series na magsisimula bukas sa Big Dome.

Kinuha ng San Miguel ang 24-11 abante sa opening period bago buma-ngon ang Rain or Shine at naitayo ang sariling 13-point lead, 60-47 mula sa slam dunk ni import Carl Montgomery sa 8:44 minuto ng third quarter.

Ang magkasunod na three-point shots nina McCullough at Terrence Romeo ang nagbigay sa Beermen ng 98-94 bentahe sa huling 1:45 minuto ng final canto.

Nagkaroon naman ng turnover si James Yap mula sa pasa ni Beau Belga sa huling posesyon ng Elasto Painters sa natitirang 9.5 segundo.

Hindi naman kinukunsidera ni dating NBA player Terrence Jones ang Tropang Texters bilang top favorite sa championship series vs Beermen.

“I don’t feel we’re the favorites. I feel we’re the underdogs,” wika ni Jones matapos sibakin ng TNT Katropa ang Barangay Ginebra, 103-92 sa Game Four ng kanilang best-of-five semifinals series noong Huwebes.

Itiniklop ng Tropang Texters ang kanilang serye ng Gin Kings sa 3-1 papasok sa pang-18 Finals appearances at puntirya ang ikawalong korona.

 

Show comments