MANILA, Philippines — Mas lalong napatatag ng Cignal HD Spikers ang kapit nito sa ikalimang puwesto ng standings matapos paluhurin sa apat na sets ang Foton Tornadoes Blue Energy, 25-23, 21-25, 25-14, 25-21 sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Bitbit ang momentum at kumpiyansa mula sa huli nitong panalo noong nakaraang linggo, nagpaulan ng matitinding palo ang HD Spikers para bawiin nito ang talo noong first round.
Pasimuno sa opensa ang kapitana ng tropa na si Rachel Ann Daquis na nagrehistro ng 18 puntos, mula sa 13 attacks at tatlong aces habang may 17 puntos na ambag si Mylene Paat.
Nagparamdam din para umalalay sa tropa sina Alohi Robins-Hardy at Ranya Musa na may 15 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasunod.
Naging dikit ang unang dalawang sets para sa dalawang tropa pero nag-iba ang kuwento ng laro pagdating ng third set kung saan naging dominante ang HD Spikers at iposte ang 24-10 na bentahe.
“’Yun kasi ‘yung plan namin just in case na hindi mag-work ‘yung ano - kasi inaano ko pa rin si [Mylene] Paat baka kasi hindi mag-work at least meron pa akong Jovelyn [Gonzaga] na pang-reserve,” wika ni coach Edgar Barroga. “Pero since nakita ko na kailangan silang pagsama-samahin, medyo naging maganda ‘yung jelling after nung nilagay ko ‘yung anim na solid sa loob.”
Naging maganda rin ang taktika ni Barroga pagdating ng fourth set na kung saan pinalo niya ang setter na si Robins-Hardy, na talaga namang nagdeliber sa panalong ito.
“Inensayo namin ‘yun kasi iniisip ko hindi ko siya puwedeng ilabas sa loob kasi matangkad siya para sa blockings. Kaya ang ginawa ko na lang, kahit nagso-sore ‘yung balikat niya, papaluin ko pa rin,” dagdag niya.
Ito naman ang ikalawang sunod na talo ng Foton sa ikalawang yugto ng clasiffication round patungo sa quarterfinals kung saan ang paring ay No. 1 vs No. 8, No. 2 vs No. 7, No. 3 vs No. 6. at No. 4 vs No. 5.