Tagumpay ni Nerza alay sa Ina at sa pamilya
Milo Marathon Manila Leg
MANILA, Philippines — Sa halos dalawang libong kalahok, isang magiting at matatag na lalaki ang unang nakatawid sa finish line upang matanghal na pinakabagong kampeon ng 2019 Milo Marathon Manila qualifying leg 42-kilometer race kamakalawa sa Mall of Asia Concert Grounds sa Pasay City.
At iyon ay walang iba kundi si Anthony Nerza na binagtas ang nakakahapong full marathon sa loob lamang ng dala-wang oras, 32 minuto at 50 segundo.
Sa likod ng makisig na katawan ni Nerza at kanyang mga malaking ngiti ay ang malambot ding personalidad para sa kanyang pamilya.
“Yung mama ko na wala na (pumanaw na), para sa kanya ito. Mag-iisang taon na simula nang namaalam siya. Para kay mama ito,” ani Nerza na sandaling yumukod upang pigilan sana ang luhang papatak na mula sa kanyang mga mata habang hawak ang tropeo ng Milo Marathon Manila qualifying leg. “Grabe yun. ‘Di ko matanggap pagkawala niya noon. Mag-iisang taon na kaya para sa kanya ito.”
Kasabay ng kanyang pag-alala sa kanyang ina na si Cynthia na sa tawag ng tadhana ay nataon sa kanyang tagumpay ay inaalala rin ni Nerza ang kanyang mapagkumbabang simula sa Kapatagan, Digos City, Davao Del Sur.
“Mahirap ang buhay namin doon. Mag-trabaho kami buong araw (nina Kuya Walter at Papa William), mag-tanim at mag-ani kayo ng gulay tapos susuweldo ka lang ng P100,” ani Nerza na pinagsasabay ang trabaho at pag-aaral noon sa Brokenshire College bago kunin ng PAF matapos ang kanyang tagumpay sa Milo Marathon. “Mahirapan kami bumili ng bigas. Madalas, isang kilo lang, pinagkakasya namin para may pangkain lang kami.”
Ang mga karanasang ito ang dahilan kaya’t labis na pinapahalagahan ni Nerza ang tagumpay na ito sa Milo Marathon Manila leg na kalakip din ang P50, 000 na pabuya.
Ito ang kanyang unang Milo leg win sa loob ng pitong taon o buhat nang magwagi siya sa Davao City leg noong 2012 kung kailan din siya nahimok na dalhin ang kanyang serbisyo para sa Philippine Air Force.
Isang Airman Second Class ng PAF si Nerza. Marangal. Makisig. Disiplinado. Isa rin siyang dedicated na marathoner, matatag, magaling, mabilis at madiskarte.
- Latest