MANILA, Philippines — Pakay ng F2 Logistics Cargo Movers na madagit ang ika-11 sunod nitong panalo habang puntirya ng Marinerang Pilipina na makuha ang mailap na panalo ngayong araw sa 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa Ynares Center sa Antipolo City.
Magbabanatan ang dalawang koponan bandang alas-7 ng gabi sa pagpapatuloy ng eliminations.
Sasamantalahin ng Cargo Movers ang bitbit nitong momentum matapos maalpasan ang five-set thriller na ibinigay ng Generika-Ayala Lifesavers, 25-19, 25-27, 25-22, 18-25, 15-13 noong Sabado.
Natakasan man ang Generika-Ayala, hindi pa rin masaya si F2 Logistics coach Ramil de Jesus sa na-ging performance ng kanyang mga bata kaya’t umaasa siya na magsilbing aral ang naging larong ito.
“Isang lesson ito para sa team. Off si Kalei [Mau], off is [Michelle] Coby, si [Aby] Marano zero block siguro, well yun nga ‘yung sinasabi ko hindi pupuwedeng pupunta sa game para maglaro lang well kaila-ngan mong paghandaan kung sino man ang kalaban mo,” wika ni De Jesus.
Gagawin naman ng Lady Skippers ang lahat para manakaw ang una nitong panalo sa liga matapos yumukod sa kamay ng Cignal HD Spikers, 20-25, 15-25, 26-24, 25-27 noong Sabado.
Kulelat pa rin sa team standings ang Marinerang Pilipina ni coach Ronald Dulay pero hindi patitinag ang bagong tropa na ilang beses nang ginulat ang lahat sa pagiging agresibo nito.
Wala man ang isa mga scorer nito na si Chiara Permentilla dahil sa tinamo nitong lateral ligament sprain sa kanyang kaliwang tuhod, aariba pa rin ang Lady Skippers sa pangunguna nina Caitlyn Viray, Ivy Remulla, Judith Abil at Dimdim Pacres.
Maghaharap sa unang laro ang Petron Blaze Spi-kers at Sta. Lucia Lady Realtors na kapwa galing sa panalo, sa alas-4:15 ng hapon.