MANILA, Philippines — Nasungkit ni 2014 World Championship silver medallist Nesthy Petecio ang nag-iisang gintong medalya ng Pilipinas matapos pagreynahan ang women’s featherweight division kahapon sa 2019 Thailand Open International Boxing Championship sa Nimibutr Sports Stadium sa Bangkok, Thailand.
Nailusot ni Petecio ang split decision win laban kay Asian Championship silver medalist Nilawan Techasuep ng Thailand upang maibulsa ang premyong $1,500 o mahigit P75,000.
Solidong straight shot ang pinakawalan ni Petecio na tumama sa sikmura ni Techasuep na naging dahilan para mapaatras ang mas matangkad na Thai bet sa kalagitnaan ng first round.
Ipinagpatuloy ni Petecio ang agresibong atake nang tatlong beses itong kumunekta sa mukha ni Techasuep sa unang bahagi ng second round.
Sinundan pa ito ni Petecio ng malakas na upper cut na nagpabagay sa galaw ng Thai bet.
Naging agresibo si Techasuep sa pagsisimula ng huling kanto na sinabayan ni Petecio kung saan ilang solidong straight pa ang ibinigay nito na halos ikatumba na ng Thai fighter.
Nakapasok sa finals si Petecio matapos gulatin si 2015 Asian Championships gold medal winner Peamwilai Laopeam ng Thailand via 4-1 split decision win sa semifinals.
Pinataob din ni Petecio si Won Un Gyong ng North Korea sa quarterfinals (5-0 unanimous decision) at Tumurkhuyag Bolortuul ng Mongolia sa second round (5-0 unanimous decision).
Nakahirit si Petecio ng first-round bye.
Nag-ambag naman ng tansong medalya si Ian Clark Bautista na natalo si semifinals laban kay reigning Southeast Asian Games champion Butdee Chatchai-Decha ng Thailand sa men’s bantamweight division.
Hindi naman pinalad na makasampa sa podium sina Marvin Tabamo (men’s flyweight), Marjon Pianar (men’s welterweight), Carlo Paalam (men’s light flyweight), Sugar Rey Ocana (men’s light welterweight), John Marvin (men’s light heavyweight), Jeorge Rey Edusma (men’s lightweight) at Irish Magno (women’s flyweight).
Ang partisipasyon ng national team sa event ay bahagi ng paghahanda sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Pilipinas sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.