MANILA, Philippines — Nakalinya na si PBA import Denzel Bowles para maging naturalized player ng Indonesian basketball team.
Ito ay ayon kay team manager Fareza Tamrella sa inilabas na ulat ng international site na mainbasket.
Sinabi ng Indonesia team manager na nakausap na nila si Bowles ukol sa planong naturalization process.
Sa ngayon ay inaayos na ng parehong panig ang mga papeles na kakailanganin upang maisakatuparan ang naturalization ni Bowles na lubhang makakatulong sa pag-angat ng Indonesian national basketball team.
Wala pang katiyakan kung aabot ang naturalization ni Bowles para sa nalalapit na 2019 Southeast Asian Games kung saan makakalaban ng Indonesia ang Gilas Pilipinas.
Magaganap ang SEA Games sa Pilipinas mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Naging posible ang pagiging naturalization candidate ni Bowles dahil sa rekomendasyon ni Rakjo Toroman na siyang napili bilang pinakabagong head coach ng Indonesia noong nakaraang buwan lang.
Nasa edad 30-anyos, makailang ulit nang nagsilbing import para sa Purefoods franchise si Bowles.
Ang pinakamaningning dito ang stint niya noong 2012 kung saan siya tinanghal na Best Import para ibigay sa koponan ang 2012 Commissioner’s Cup crown.
Nagbalik siya sa koponan noong 2013 at 2016.
Sa 2019 Commissioner’s Cup ay naging import din siya ng Rain or Shine subalit nagkaroon ng knee injury.