MANILA, Philippines – Binuhay ni 2014 World Championship silver medalist Nesthy Petecio ang kampanya ng Pilipinas matapos kumana ng tiket sa finals ng women’s featherweight division kahapon sa 2019 Thailand Open International Boxing Championship na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Isang magandang gameplan ang inilatag ni Petecio upang sorpresahin si 2015 Asian Championships gold medalist Peamwilai Laopeam ng Thailand sa pamamagitan ng split decision win.
Makakaharap ni Petecio sa finals ang isa pang Thai pug na si Nilawan Techasuep na nagsumite rin ng split decision win kay Liudmila Vorontsova ng Russia sa hiwalay na semis match.
Sa pag-entra sa finals ay sigurado na si Petecio na makapag-uuwi ng premyong $750 (P37,000).
Bigo namang sumalo sa selebrasyon ni Ian Clark Bautista na lumasap ng unanimous decision loss kay reigning Southeast Asian Games champion Butdee Chatchai-Decha ng Thailand sa semis ng men’s bantamweight division.
Naging agresibo si Bautista sa huling yugto ng laban sa tangkang mapatumba ang Thai fighter upang makaiwas sa hometown decision.
Subalit naging mautak ang Thai boxer na nagtatakbo at makailang ulit na yumakap kay Bautista upang ubusin ang oras at protektahan ang kanyang bentahe.
Nagkasya sa tansong medalya si Bautista kalakip ang $500 konsolasyon.