MANILA, Philippines — Winalis ng Petron Blaze Spikers ang PLDT Home Fibr Power Hitters, 25-19, 25-15, 25-9 para iposte ikapitong sunod nitong panalo sa 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Mas lalo pang lumakas ang kapit ng defending champions sa second spot ng standings tangan ang 9-1 na win-loss record sa ilalim ng wala pang talong F2 Logistics.
Bumida uli para sa Petron si Sisi Rondina na may 12 puntos sa likod ng 11 attacks habang may 10 puntos si Aiza Maizo-Pontillas at sina Mika Reyes at Remy Palma ay may tig-siyam na puntos.
Dinomina nang husto ng Blaze Spikers ang third set kung saan tinambakan nila ang Power Hitters, 17-5 at ipinalasap ang pinakamababang set score na 25-9.
“Siyempre happy kami kasi kahit papano naibabalik na namin ‘yung laro namin. Hopefully mas mag-continue pa kasi siyempre mas magiging intense na ‘yung mga games [and] malapit na rin ‘yung quarterfinals [at] may ilang games pa kami, so ‘yun ang paghahandaan namin,” ani coach Shaq delos Santos.
Humampas naman ng walong puntos si Aiko Urdas para sa PLDT na nasalap ang ikasiyam nitong kabiguan sa 12 asignatura.
Sa unang laro naman, natuldukan ng Sta. Lucia Lady Realtors ang kanilang 10-game losing-slump sa bisa ng 25-17, 25-19, 31-29 panalo kontra Marinerang Pilipina Lady Skippers.
Umalagwa para sa panalong ito si Amanda Villanueva na may 13 puntos mula sa siyam na attacks at apat na blocks habang naramdaman din sina Pam Lastimosa at Glaudine Troncoso na may 11 at walong puntos ayon sa pagkakasunod.
Gitgitang third set ang nasaksihan kung saan kapwa ayaw magpatalo ng dalawang tropa na asam na maputol ang kanilang pagsadsad pero mas nanaig ang Lady Realtors sa pag-ariba ni Troncoso.
Pumalo naman ng 13 puntos si Judith Abil para sa Lady Skippers na kulelat pa rin sa standings hawak ang 0-9 na baraha.