MANILA, Philippines — Kakatukin ng F2 Logistics Cargo Movers ang ikasiyam na sunod na panalo habang susubukan naman ng Foton Tornadoes na matuloy ang winning-streak nito sa pito ngayon sa 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan.
Maghaharap ang dalawang powerhouse na tropa sa main game ng liga sa ganap na alas-7 ng gabi.
Kapwa galing sa three-set victory ang dalawang koponan kung saan pinadapa ng Cargo Movers ang Sta. Lucia, 25-22, 25-3, 25-12 noong nakaraang linggo habang pinaluhod naman ng Tornadoes ang Generika-Aya-la, 25-16, 28-26, 25-15 noong Sabado.
Mas lalong patatatagin ng F2 Logistics ang kapit nito sa top seed ng liga at mapanatili ang malinis nitong baraha sa 8-0 pero kailangan aniya nilang umangat at hindi lamang si Kalei Mau.
“Hindi puwedeng kay Kalei [Mau] tayo aasa lahat, kailangan asahan niyo muna sarili niyo. Hindi pa naman sobrang layo niyan kaya pa natin tiyagain,” ani coach Ramil de Jesus.
Samantala, patuloy naman ang pagpapakitang-gilas ng Tornadoes ni coach Aaron Velez, na mas lalong lumakas ang kapit sa third spot hawak ang 7-3 na kartada pero kailangan pa rin nilang mas maging agresibo.
“Gusto ko lang sa amin mismo magkaroon ng mindset na kailangan namin mag-strive for excellence kasi mahaba pa naman ang liga. Ang kailangan namin punuan is how to be more consistent and more aggressive,” sabi ni Velez.
Sisimulan ang three-header match na ito ng laro sa pagitan ng Marinerang Pilipina at Sta. Lucia bandang alas-2 ng hapon at bandang 4:15 ng hapon naman ang bakbakang PLDT at Petron.