MANILA, Philippines — Matapos ang matagumpay na panalo ni World Boxing Association (WBA) super welterweight champion Manny Pacquiao kay Keith Thurman, nakahilera na ang mga pangalan na posibleng sunod na makaharap ng Pinoy champion.
Mismong si Pacquiao na ang nagpahayag na interesado itong makalaban ang mananalo sa pagitan nina Errol Spence at Shawn Porter na nakatakda sa Setyembre 28 sa Staples Center sa Los Angeles, California.
Hawak ni Spence ang International Boxing Federation (IBF) welterweight belt habang suot ni Porter ang World Boxing Council (WBC) welterweight crown.
Kinumpirma pa ni Pacquiao na personal itong manonood sa bakbakang Spence-Porter sa Amerika na magsisilbing scouting na rin sakaling matuloy ang laban.
“Yes, I will be going there to watch the fight,” pahayag ni Pacquiao matapos ang kanyang panalo.
Hindi rin maalis ang pangalan ni undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr. na kasalukuyang nasa retirement stage.
Handa si Pacquiao na harapin ito sakaling magpasya si Mayweather na muling ikasa ang rematch.
“My plan this time is one fight at a time. He’s (Mayweather) in retirement and he’s enjoying his retirement. He’s inactive. If he’s willing to come back and willing to fight me, then at the time he will announce it, we can say yes,” ani Pacquiao.
Napabalita ring may pirmado nang fight contract si Amir Khan ni Pacquiao para sa kanilang laban na nakatakda diumano sa Nobyembre.
Enero ang target date ni Pacquiao na magbalik sa aksiyon.
Para kay Hall of Fa-mer Freddie Roach, nais nitong pagtuunan muna ni Pacquiao ng pansin ang pamilya nito kasabay ng magarbong pahinga.
Sumailalim sa ma-tinding training camp si Pacquiao. Napalaban din ito ng husto kay Thurman kaya’t walang ibang nasa isip ni Roach kundi bigyan ng pahinga ang kanyang alaga.
“Manny can go away and rest and we’ll think about it later on. We need to see what’s out there,” ani Roach.
Aminado rin si Roach na malabo pa sa ngayon ang Pacquiao-Mayweather 2 dahil nakasalalay ang desisyon kung magbabalik-aksyon si Mayweather.
“I can’t see it. Floyd’s retired and his people say there is no interest. But there will be other options,” dagdag ni Roach.