MANILA, Philippines — Binuhay ni Ian Clark Bautista ang kampanya ng Pilipinas matapos umabante sa second round habang tatlong miyembro ng pambansang koponan ang agad na namaalam sa pagsisimula ng 2019 Thailand Open International Boxing Championship na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Naglista si Bautista ng 5-0 unanimous decision win laban kay Muhamad Hafiz Ahamag ng Singapore para makasiguro ng tiket sa susunod na yugto ng men’s bantamweight (56 kg.) class.
Pare-parehong may 30-26 iskor ang mga hurado mula sa Turkmenistan, Belarus at Kuwait habang nagbigay ng 20-25 ang Thai judge at 30-24 naman ang Indian judge para kay Bautista.
Makakasagupa ni Bautista sa second round si Jack Denahy ng Australia na nakahirit ng opening round bye sa torneong may nakalaang $1,500 para sa magkakampeon.
Bigo namang umusad sina Jeorge Rey Edusma (men’s lightweight, 60 kg.), Sugar Rey Ocana (men’s light welterweight, 64 kg.) at Irish Magno (women’s flyweight, 51 kg.) na yumuko sa kani-kanyang dibisyon via unanimous decision.
Natalo si Edusma laban kay Khunatip Pidnuch ng Thailand (24-30, 24-30, 26-29, 25-30, 27-29) habang hindi pinalad si Ocana kay Atichai Phoemsap sa isa ring Thai pug (28-29, 28-29, 28-29, 25-30, 27-30) at tumupi si Magno kay Nguyen Thi Tam ng Vietnam (27-30, 27-30, 27-30, 27-30, 28-29).
Sa kabila nito, buhay na buhay pa ang pag-asa ng Pinoy squad dahil nariyan pa sina Marvin Tabamo (men’s flyweight, 52 kg.), Marjon Pianar (men’s welterweight, 69 kg.), 2014 World Championship silver medalist Nesthy Petecio (women’s fea-therweight, 57 kg.), Carlo Paalam (men’s light flyweight, 46-49 kg.) at John Marvin (men’s light heavyweight, 81 kg.) na sasabak sa kani-kanilang kategorya.