SEMARANG, Indonesia -- Ibinigay nina Thanya Angelyn Dela Cruz at Phillip Joaquin Santos ang dalawang medalya sa Philippine Swimming Team makaraang lumangoy ng pilak at tanso sa 11th Asean School Games na ginaganap sa Jatidiri Sports Complex dito.
Inangkin ni Dela Cruz ang unang medalya ng koponan nang sumegunda sa sinalihang girls’ 50-meter breaststroke sa bilis na 33.82 segundo.
Kapos lamang siya ng gahiblang .01 segundo kay gold medal winner Adelia Adelia ng Indonesia na may 33.81 segundong naitala.
Nagdagdag naman ng tansong medalya si Santos na nagsumite ng dalawang minuto at 9.30 segundo sa boys’ 200m backstroke event sa likod nina medal winner Farrel Armandio Tang ng Indonesia na may 2:04.08 at Khiew Hoe Yean ng Malaysia na nagtala naman ng tiyempong 2:08.01.
Magtatangka namang humirit ng medalya si Philippine junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh ng Brent International School-Laguna sa kanyang mga paboritong events gayundin sina Mervien Jules Mirandilla at John Neil Paderes.
Nagtapos naman sa ika-siyam na puwesto si Swimming Pinas tanker Jordan Ken Lobos sa boys’ 50m breaststroke (32.72) gayundin si Miguel Barreto sa boys’ 100m freestyle (55.42).
Ikasiyam din sina Janelle Alisa France Lin sa girls’ 100m freestyle (1:04.14) at 400m freestyle (4:49.29), at Mary Sophia Manantan sa girls’ 50m breaststroke (36.49), habang nagtapos sa ika-10 si Eirron Seth Vibar sa boys’ 400m freestyle (4:17.79).