Lady Troopers inangkin ang bronze medal
MANILA, Philippines — May bago nang iniluklok na reyna ang Premier Volleyball League.
Inangkin ng PetroGazz Angels ang una nilang korona sa PVL Reinforced Conference sa bisa ng 25-15, 28-30, 25-23, 25-19 panalo laban sa dating kampeong Creamline Cool Smashers sa kanilang ‘winner-take-all’ match sa Game Three kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Umararo nang husto si Cuban import Wilma Salas nang pumoste ng 30 points mula sa 26 attacks at 4 blocks, habang pabibo naman ang kapitana at Finals Most Valuable Player awardee na si Janisa Johnson na tumapos na may triple-double sa kanyang 23 markers, 18 receptions at 13 digs.
Simula pa lang ay sinamantala na ng Gazz Angels ang momentum na bitbit nila mula sa panalo sa Game Two at pinahirapan kaagad ang Cool Smashers na bumawi naman pagdating ng second set.
Pero nagpatuloy ang dominasyon ng PetroGazz sa huling dalawang sets at naging mahigpit na rin ang kanilang depensa sa net na naging isa sa mga susi ng tropa para gulatin at pababain sa trono ang defending champions na Creamline.
“It’s a great feeling, oh my God. We’ve been waiting for the whole season for this and this our top goal and it happens, it’s amazing. Next year there’s more to come, I can’t wait,” wika ni Johnson.
Nakahugot din ng mahalagang kontribusyon ang Gazz Angels sa fourth set mula kina Jonah Sabete, Jeanette Panaga at Cherry Nunag para sa kanilang 23-16 bentahe laban sa Cool Smashers.
Si Johnson naman ang humataw ng winning kills para sa unang kampeonto ng PetroGazz sa PVL.
Noong 2018 Reinforced Conference ay tumapos sa pang-limang puwesto ang koponan.
Samantala, nasungkit naman ng PacificTown-Army Lady Troopers ang bronze medal nang alpasan ang BanKo Perlas Spikers via five-set victory, 18-25, 25-16, 20-25, 25-15, 15-13.
Ibinuhos ni Ukranian import Olena Lymareva-Flink ang lahat sa paghampas niya ng 32 points sa likod ng 29 attacks, 2 aces at 1 block, habang tumulong din sina Jenelle Jordan at Honey Royse Tubino na may 19 at 12 markers, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang bronze medal finish ng Lady Troopers sa kanilang pagbabalik sa liga matapos mawala ng halos tatlong taon.
“Pagdating sa performance ‘yung mga players naman, every game naman naka-ready and habang tumatagal lalo na ‘yung last day ng tournament para sa amin then nakuha pa namin ‘yung best finish namin na third,” sabi ni coach Kungfu Reyes.
“Siguro mas buo kami ngayon at siguro ito na rin ‘yung start ng Army sa PVL,” dagdag pa nito.
Ngunit si Jovelyn Gonzaga ang pumalo ng mga clutch hits pati na ang game-winning ace.
“Gusto ko talagang mag-give back sa Army sa pagpayag sa akin at pag-intindi sa case ko,” wika ni Gonzaga. Fergus E. Josue, Jr.