MANILA, Philippines — Naputol ang matikas na ratsada nina Carlo Biado at Jeff De Luna para magkasya sa runner-up trophy sa prestihiyosong 2019 World Cup of Pool na ginanap sa Morningside Arena sa Leicester.
Lumasap sina Biado at De Luna ng 3-11 kabiguan kina Albin Ouschan at Mario He ng Austria sa final round para makuntento sa konsolasyong $30,000.
Napasakamay nina Ouschan at He ang tumataginting na premyong $60,000.
Gitgitan ang simula ng laban nang magsalitan ang Pilipinas at Austria sa unang apat na racks para sa 2-2 pagtatabla.
Sinamantala naman nina Ouschan at He ang ilang krusyal na mintis nina Biado at De Luna para unti-unting makalayo sa 6-2.
Nagawang makalapit ng Pilipinas sa 3-6 matapos ang 5-9 combo ni Biado sa ninth rack.
Subalit muling umarangkada sina Ouschan at He sa mga sumunod na racks nang irehistro ang 5-0 run para tuluyang makuha ang panalo.
Nakapasok sa finals sina Biado at De Luna matapos payukuin sina Marc Birjstenbosch at Niels Feijen ng Netherlands sa semifinals (9-6), habang namayani naman sina Ouschan at He sa hiwalay na semis game laban kina David Alcaide at Francisco Sanchez-Ruiz ng Spain sa pamamagitan ng 9-3 demolisyon.
Kabilang din sa mga biniktima nina Biado at De Luna sina Roman Hybler at Michal Gaven?iak ng Czech Republic sa first round (7-6), Klenti Kaci at Besar Spahiu ng Albania sa second round (7-5) at Filipino-Canadian Alex Pagulayan at Canadian Joshua Filler sa quarterfinals (9-5).