MANILA, Philippines — Mabilis na pinataob ng Pacific Town-Army ang BanKo Perlas, 25-18, 25-14, 25-20, para masungkit ang No. 3 seed sa semifinals ng 2019 Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Halimaw si Ukrainian import Olena Lymareva-Flink matapos maglista ng 29 points mula sa 23 attacks at 6 aces para pamunuan ang Lady Troopers sa magarbong pagtatapos sa eliminasyon.
Nakamit ng Pacific Town-Army ang ikatlong puwesto.
“Ito ‘yung A-game namin. Sabi ko lang naman sa kanila na ma-execute lang namin ‘yung first touches namin nang maayos like serve at receive, everything will follow. With the help of Olena and Jenelle (Jordan), it’s easy for us to win,” sabi ni Lady Troopers coach Kungfu Reyes.
Nagtala si American middle hitter Jenelle Jordan ng 11 points, habang kumana si wing spiker Honey Royse Tubino ng 7 markers.
Naramdaman sina veteran hitters Jovelyn Gonzaga at Mary Jean Balse-Pabayp sa pinagsamang 8 hits.
Nagpasabog ang Lady Troopers ng kaliwa’t kanang bomba para makalikom ng 42 spikes at 10 aces laban sa Perlas Spikers na bigong makaporma sa buong panahon ng laro.
Dahil sa kabiguan ay bumagsak ang Perlas Spikers sa 4-6 marka at nahulog sa No. 4 spot.
Walang manlalaro ang BanKo Perlas ang nakapagtala ng double figures.
Sa ikalawang laro, tinapos ng Creamline ang eliminasyon nang ipako ang 25-19, 25-15, 25-18 panalo laban sa BaliPure.
Hindi naglaro si setter Jia Morado dahil sa shoulder injury ngunit maganda ang inilaro ni Kyle Negrito na may 17 excellent sets.