MANILA, Philippines – Patunay ng kalibre nito bilang pinakamagaling na collegiate squad ngayon, nilipad ng Cignal-Ateneo ang isa na namang titulo sa pagkakataong ito sa PBA D-League matapos tambakan ang CEU, 98-66 sa Game 4 ng kanilang best-of-five Finals series kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sakay ng 67-52 panalo noong Game 3, umariba agad sa 38-10 abante ang Blue Eagles upang itakda ang tiyempo nang buong laro.
Hindi na nagpreno pa ang Ateneo buhat noon nang palobohin pa nito ang kalamangan sa 37 puntos tungo sa walang ka hirap-hirap na panalo.
Dahil dito ay nakumpleto ng Katipunan-based squad ang 3-1 series win para sa kampeonato ng prestihiyosong D-League na siyang pinakamalaking semi-pro tournament sa kasaysayan matapos lahukan ng 20 koponan.
“It’s good to win the championship but you know, our goal for the D-League was we wanted to begin developing our system and trial ourselves against somebody other than our practice environment,” ani head coach Tab Baldwin na pinaghahandaan na agad ang kanilang asam na three-peat sa UAAP Season 82 sa kalagitnaan nitong taon. “We did that and now we’re on to the next stage.”
Bumida sa balanseng atake ng Ateneo si Ivorian center Ange Kouame na nagtala ng all around na 18 puntos, 16 rebounds, dalawang assists, dalawang steals at dalawang supalpal.
Sumuporta naman sa kanya ang isa pang big man na si Will Navarro na may 16 puntos at dala-wang rebounds habang Nag-ambag din ng 15 puntos, apat na rebounds at apat na steals ang kapitan na si Thirdy Ravena.
Siyam na manlalaro pa ang naka-iskor sa pa-ngunguna ng 10 puntos ni Gian Mamuyac para sa balanseng atake ng Ateneo na siyang back-to-back champion ng UAAP.
Sa bahagi naman ng Cignal franchise, ito na ang kanilang ikatlong titulo sa D-League matapos ding magkampeon noong 2016 at 2017 nang iparada ang koponang binuo naman ng San Beda University core.
Sa kasamaang palad, dahil sa kampeonato ng Blue Eagles ay natapos na ang pambihirang D-League campaign ng kulang-kulang sa player pero lumaban na Scorpions na nagparada lang ng walong manlalaro simula pa noong quarterfinals.
Nanguna sa CEU ang kapitan na si Rich Guinitaran sa naitala niyang 20 puntos.