Power Builders sinibak ang Water Defenders

MANILA, Philippines — Puno ang baterya ng Motolite nang iselyo ang pahirapang 23-25, 23-25, 25-14, 25-14, 15-12 panalo laban sa Ba­liPure Water Defen­ders para mapalakas ang kanilang pag-asa sa se­mifinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Halimaw si American import Channon Thompson na nagsumite ng 27 points tampok ang 22 attacks, 3 blocks at 2 aces kalakip ang 15 receptions at 8 digs upang bu­hatin ang Power Buil­ders sa ikatlong panalo sa walong laro.

Nagparamdam din kanyang kamandag si Krystel Esdelle nang bu­mi­ra ng 20 attacks, 2 aces at 2 blocks, habang naglista na­man ng tig-pitong puntos sina Ai Ganna­ban at Isa Molde sa la­rong tumagal ng da­lawang oras.

Muling nasilayan sa aksyon si team captain Myla Pablo na nagtala ng apat na puntos sa kanyang paglalaro sa bu­­ong second set.

Wala pa ring panalo ang Purest Water De­fen­ders para tuluyang ma­maalam sa kotensyon ha­wak ang 0-8 marka.

Nagsumite si Danijela Dzakovic ng 18 mar­kers, samantalang may 15 hits naman si skipper Grace Bombita at nagdagdag ng 12 points si Alexandra Vad­jova.

Halos pantay ang da­lawang koponan sa service area kung saan may walong aces ang Power Builders at anim naman ang Water Defenders.

May 33 errors ang Motolite at 32 naman ang BaliPure.

Subalit nagkaalaman sa blocking department nang umiskor ng 13 ang Power Builders kum­para sa anim ng Water Defenders.

Humataw din ng 58-45 abante ang Motolite sa attacks.

Magpapatuloy ang aksyon ngayong araw sa Biñan, Laguna tampok ang duwelo ng Motolite at BanKo Perlas sa alas-4 ng hapon at ang bakbakan ng Pacific Town-Army at PetroGazz sa alas-2 sa Alonte Sports Center.

Hangad ng Power Buil­ders na isunod ang Perlas Spikers sa ka­ni­lang mga naging bikti­ma.

Show comments