Ray Ray Parks dumipensa
MANILA, Philippines – Dumipensa si Bobby Ray Parks Jr. matapos ang napaulat na pagtanggi niya sa alok ng Gilas Pilipinas na maging bahagi ng training pool nito para sa nalalapit na 2019 FIBA World Cup ngayong Agosto sa China.
Kamakalawa lang ay umugong kasi ang balita na umayaw si Parks sa alok ni head coach Yeng Guiao sa Gilas dahil sa mga ibang prayoridad nang magpatuloy sa ikalawang araw ng training camp ang Nationals sa Meralco Gym.
Subalit ayon kay Parks, hindi aniya mga ibang prayoridad ang kanyang dahilan sa magalang na pagtanggi sa Gilas kungdi dahil aniya sa respeto sa mother team na Blackwater at gayundin sa mga manlalarong nagdala sa koponan sa World Cup na maaari niyang maagawan ng puwesto.
“First off, I didn’t decline due to different priorities. Hiya oo pero priority, hindi,” paliwanag ni Parks sa kanyang opisyal na social media account.
Para kay Parks, ang atensyon niya muna sa ngayon ay masuklian ang tiwala ng Blackwater na matagal siyang hinintay upang makapaglaro lang sa kanilang koponan bunsod ng kanyang naunang commitment sa San Miguel-Alab Pilipinas sa ASEAN Basketball League.
“First conference ko pa lang sa PBA, pinayagan ako ng Blackwater tapusin ang ABL stint ko kaya sobrang thankful ako. Tapos ngayon wala kaming import tapos mawawala ako. Nahihiya lang ako sa Blackwater,” dagdag ni Parks.
Kasunod ng kumalat na ulat ay ang mga kritisismo kay Parks na tinanggihan na mairepresenta ang bayan na kaagad naman niyang pinabulaanan.
“For people to actually believe that I don’t want to represent my country is crazy. Kaya nga naglaro sa Alab and went aboard carrying the Philippine flag anywhere and everywhere I go,” aniya.
Sa katunayan, tatlong taon nga naglaro si Parks sa ABL at binandera ang Pilipinas na nagresulta sa tatlong sunod na Local Most Valuable Player (MVP) awards at kampeonato noong nakaraang taon.
Bago ang ABL ay sumubok din si Parks na ibandila ang bayan sa paglalaro sa NBA Summer League at NBA D-League bago nga maging undrafted sa NBA.
At higit sa lahat, nilinaw ni Parks na ayaw niyang posibleng maagawan ng puwesto ang mga manlala-rong naghirap at nagpagod sa FIBA World Cup Asian Qualifiers na hindi naman siya nakasali at nakalaro – upang makapasok lang sa World Cup ang Gilas.
“Nahihiya din ako sa mga players na naglaro du-ring the qualifiers and nagpakahirap to get our spots at the World Cup,” ani Parks.
- Latest