Meijers Le Tour champion

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Muling napa-sakamay ng isang foreign rider ang korona ng Le Tour de Filipinas nang magposte si Dutch cyclist Jeroen Meijers ng Taiyuan Miogee Cycling Team (China) ng aggragate time na 20 oras, 38 minuto at pitong segundo para angkinin ang overall title sa pagtatapos ng padyakan kahapon dito.

Ito ang ikalawang korona ng 6-foot-2 na si Meijers matapos magkampeon sa isang UCI-sanctioned race sa France noong 2016.

“The difference is I’m getting older but more experienced,” wika ng 26-anyos na naghari sa Stage One 129,5-kilometer lap sa kanyang bilis na 3:06.59 sa Tagaytay City. “Racing in Europe is much more different than in the Philippines because of the small and steep roads here.”

Ibinulsa ni Meijers ang premyong $2,725 (P141,700.00) at hindi hinubad ang purple jersey hanggang sa pagtiklop ng Category 2.2 event na may basbas ng International Cycling Union (UCI) na inorganisa ng Ube Media, Inc.

Nabigo naman si El Joshua Carino ng Philippine National Team na maidepensa ang kanyang titulo nang hindi umabot sa ‘curfew’ (limit time) sa Stage One gayundin si Ronald Oranza.

“Ang Le Tour de Filipinas ang parang Ms. Universe ng cycling.

Kailangan ‘yung pambato natin ang manalo,” sabi ni Le Tour de Filipinas chairman Donna Lina. “Next year sana makabawi tayo.”

Ang mga naghari sa Le Tour de Filipinas ay sina David McCann (2010) ng Ireland, Rahim Emami (2011) ng Iran, Jonipher Ravina (2012) ng Pilipinas, Ghader Mizbani Iranagh (2013) ng Iran, Mark Galedo (2014) ng Pilipinas, Thomas Lebas (2015) ng France, Oleg Zemlyakov (2016) ng Kazakhstan at Jai Crawford (2017) ng Australia.

Inungusan ni Meijers para sa overall crown sina Choon Huat Goh (20:38.52) ng Terengganu Cycling Team, Angus Lyons (20:39.45) ng Oliver’s Real Food Racing, Daniel Habtemichael (20:40.20) ng 7-Eleven Cliqq-Air21, Sandy Nur Hasan (20:40.32) at Aiman Cahyadi (20:40.39) ng PGN Road Cycling.

Tumapos si Pinoy rider Felipe Marcelo ng 7-Eleven Cliqq-Air21 sa No. 11 sa kanyang oras na 20:40.43, habang nasa No. 15 si Galedo (20:43.17) ng Celeste Cycles-Bianchi.

Samantala, itinakbo ni Mario Vogt ng Team Sapura Cycling ang kanyang ikalawang lap win matapos maghari sa Stage Five 138.1 kms. sa kanyang tiyempong 3:33.39 kasunod sina Pinoy rider Dominic Perez (3:34.41) ng 7-Eleven Cliqq-Air21 at Mohd Zamri Saleh (3:34.41) ng Terengganu Cycling Team.

Show comments