MANILA, Philippines – Dinipensahan ng Talk ‘N Text ang import nitong si Terrence Jones matapos ang kontrobersiyal na insidente kontra kay Calvin Abueva ng Phoenix sa mainit na 2019 PBA Commissioner’s Cup game noong nakaraang linggo.
Ayon sa opisyal na pahayag ng KaTropa, walang intensyong manakit ni Jones sa sino mang manlalaro at prinoteksyunan lamang ang sarili laban kay Abueva na ginugulo diumano si Jones bago pa nangyari ang ‘clothesline’ incident sa fourth quarter.
“In fairness to Terrence there was no intention to hurt. He was protecting himself because of what Abueva was doing to him during the entire game,” ani team manager Gabby Cui.
Tinutukoy ng TNT ang tulak ni Abueva kay Jones na dahilan ng pagkakabagsak nito sa fourth quarter bago subukang tumayo ni Jones na nadale si Abueva sa proseso.
Dito naglupasay si Abueva sa sahig dahil sa aniya’y groin hit mula kay Jones na idiniin naman ng TNT na hindi buong larawan ng pangyayari.
“I would like to put into context a spliced video going around showing Terrence Jones hitting Abueva with a low blow. This video is just a splice and not showing the whole picture of what happened immediately before when Terrence was fouled by Abueva,” dagdag ni Cui.
Ang girian ng dalawa ang naging ugat ng mas malaking kaguluhan sa sumunod na possession kung saan bumawi si Abueva ng paghataw kay Jones na ikinatumba ulit nito at muntik nang magresulta sa rambol sa pagitan ng koponan.
Nabigyan ng mabigat na indefinite suspension si Abueva at P70, 000 multa gayundin si Jones ngunit wala siyang suspensyon.