Toronto angat na

OAKLAND, California — Ang bawat tirada ni Stephen Curry sa kanyang home court ay tinatapatan ng puntos nina Kawhi Leonard, Kyle Lowry at Danny Green.

Muling napasakamay ng Toronto Raptors ang momentum sa NBA Finals matapos talunin ang Golden State Warriors, 123-109 sa Game Three para kunin ang 2-1 bentahe sa kanilang title series.

Umiskor si Leonard ng 30 points para sa Raptors sa gabi kung saan nagpasabog si Curry ng playoff-best na 47 markers sa panig ng Warriors.

Kumuha rin si Curry ng 8 rebounds at 7 assists ngunit nabigong gawin lahat para maipanalo ang two-time defending champions.

Hindi naglaro sina starters Kevin Durant, Klay Thompson at key backup big man Kevon Looney dahil sa kanilang mga injuries.

“They outplayed us. They deserved it,” sabi ni Golden State coach Steve Kerr. “I’m very proud of our effort, and now we just got to bounce back and hopefully get back here in here Friday night and hopefully get a little healthier and get some guys back.”

Ito ang unang pagkakataon na hindi nakalaro si Thompson sa kanyang career playoff game matapos magkaroon ng strained left hamstring sa fourth period sa Game Two, samantalang tuluyan nang hindi makikita si Looney sa kabuuan ng NBA Finals bunga ng isang cartilage fracture sa kanang bahagi sa collarbone.

Si Durant, ang two-time reigning NBA Finals MVP, ay mayroong strained right calf.

Umaasa ang Warriors na makakatabla sa Raptors sa Game Four sa Biyernes sa Oracle Arena.

Nagdagdag naman si Lowry ng 23 points kasama ang limang 3-pointers.

Show comments