Banko perlas rumesbak

MANILA, Philippines — Rumesbak ang BanKo Perlas Spikers nang payukuin nito ang BaliPure Water Defenders sa pamamagitan ng 25-23, 23-25, 25-18, 25-16  upang makuha ang unang panalo sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.

Balanseng atake at solidong net defense ang naging armas ng Perlas Spikers para umangat ang kanilang tropa sa 1-1 baraha.

Nanguna sa ratsada ng BanKo si American outside hitter Lakia Bright na pumalo ng 16 puntos mula sa 12 attacks at apat na blocks habang kumana naman si middle blocker Katherine Bersola ng 15 markers kabilang ang walong attacks, limang blocks at dalawang aces.

Nagparamdam din si team captain Nicole Tiamzon na kumamada ng 13 hits, walong digs at apat na receptions habang nag-ambag sina Turkish import Yasemin Sahin Yildirim at Dzi Gervacio ng pinagsamang 19 puntos para sa Perlas Spikers.

Gumawa naman si playmaker Jem Ferrer ng 29 excellent sets sa larong tumagal ng isang oras at 41 minuto.

Malakas ang puwersa ng Water Defenders sa attack line matapos makalikom ng 47 spikes kum-para sa 40 lamang ng Perlas Spikers.

Lamang din ang BaliPure sa service aces, 10-4.

Subalit mas matatag ang Perlas Spikers sa net blocks tangan ang 16-6 edge.

Nakagawa pa ang Water Defenders ng 30 unforced errors laban sa 19 lamang ng Perlas Spikers.

Nananatiling mailap ang panalo sa Water Defenders na nahulog sa ika-lawang sunod na kabiguan.

Nasayang ang 23 puntos na pinagsikapan ni Danijela Dzakovic na nabuo mula sa 15 kills, limang aces at tatlong blocks gayundin ang tig-14 puntos nina Grace Bombita at Alexandra Vajdova.

Target ng BanKo Perlas na makuha ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa nito sa reigning champion Creamline sa alas-4 ngayong hapon habang magtutuos naman sa unang laro sa alas-2 ang Motolite at PetroGazz.

Sa ikalawang laro, niratrat ng Pacific Town-Army ang Motolite, 25-21, 25-21, 23-25, 25-21, para masolo ang No. 2 spot hawak ang 2-1 marka.

Hindi maganda ang simula ng Power Builders na nahulog sa 0-1 baraha.

Show comments