Lalarga na ang labanan ng 4-teams sa PBA Legends Face-off ngayon
MANILA, Philippines — Sisiklab na ngayon ang inaaba-ngang PBA Legends Face-off sa pagitan ng apat na makasaysayang koponan sa Pasig Sports Center.
Unang sasalang ang San Miguel at Purefoods sa alas-12 ng tanghali na susundan naman ng banggaan ng Barangay Ginebra at Alaska sa 1:30 ng hapon.
Inorganisa ng PBA Legends Foundation katuwang ang UNTV, tatagal ng isang buwan ang naturang torneo na magtatapos sa championship sa Hulyo 8 sa Smart Araneta Coliseum.
Maglalaban-laban ang apat na koponan sa single round robin elimination para sa semifinal seeding kung saan maglalaglagan sila para sa kampeonato.
Mangunguna para sa winningest PBA team na Beermen sina Allan Caidic, Ato Agustin, Danny Ildenfonso at Olsen Racela.
Haharang naman sa kanila ang mga pambato ng Purefoods na sina Alvin Patrimonio, Jerry Codiñera, Bong Ravena, Dindo Pumaren at Roger Yap.
Sa ikalawang laro, bibida naman para sa Gin Kings sina Marlou Aquino, Rudy Distrito, Pido Jarencio, Bal David, Vince Hizon at Jayjay Helterbrand kontra kina Jeffrey Cariaso, Jojo Lastimosa, Kenneth Duremdes, Willie Miller at Johnny Abarrientos ng Aces.
Layon ng PBA Legends Foundation at ng UNTV na patuloy na makalikom ng pondo para sa mga retirado at maysakit na dating PBA players.
Ito na ang ikaapat na charity event ng dalawang magkatuwang na orga-nisasyon simula nang magdaos sila ng unang basketball event para kay Samboy Lim noong 2015 at isang charity golf tourney para naman kay Joey Mente noong nakaraang taon.
Nitong Pebrero lang, ginanap ng PBA Legends Foundation at ng UNTV ang pinakamalaki nitong event na ‘Return of the Rivals’ sa pagitan ng Ginebra at Purefoods gayundin ng San Miguel at Alaska.
Umapaw ang mga fans sa natu-rang event na ginanap sa Smart Araneta Coliseum at nagresulta sa pag-likom nila ng pondo na umabot sa P3 milyon.
- Latest