Dillinger bagong ka-Barangay

Jared Dillinger

MANILA, Philippines – May bagong ka-barangay ang Ginebra sa katauhan ng dating karibal na si Jared Dillinger mula sa Meralco Bolts.

Nakuha ng Gin Kings ang kaliweteng forward mula sa free agency matapos itong bitawan ng Meralco Bolts.

Magugunitang sa nakalipas na season ay halos hindi nakapaglaro ang 6’4 na si Dillinger para sa Bolts bunsod ng sunud-sunod na injury kabilang na nga ang naging quad injury na dahilan ng hindi niya pagkakasama sa official roster ng koponan para sa idinaraos na 2019 Commissioner’s Cup.

Sa katunayan sa nakaraang 2018 PBA season ay limang laro lang naisalang si Dillinger at nagrehistro ng 7.8 puntos, 5.2 rebounds at 1.2 assists.

Napili bilang second overall pick si Dillinger ng Talk ‘N Text noong 2008 PBA Rookie Draft kung saan nga siya naglaro din sa loob ng limang taon at nagwagi ng limang kampeonato.

Noong 2013, nalipat ang Filipino-American sa Meralco kung saan na siya naglaro hanggang 2019 bago nga bitiwan ng koponan ngayon at makuha ng crowd darling na Ginebra.

Matatandaang isa si Dillinger sa mahigpit na karibal ng Ginebra lalo na sa Governors’ Cup kung saan nagtapat sila ng Meralco sa dalawang magkasunod na taon noong 2016 at 2017.

Sa ngayon, nasa kampo na ng Barangay ang 35-anyos na beterano na ayon kay head coach Tim Cone ay malaking dagdag na puwersa para sa kanilang Commissioner’s Cup title defense.

Na-activate na agad sa active roster list si Dillinger kapalit si Julian Sargent na bumaba sa injured list at inaasahang maglalaro na agad ngayong Sabado sa laban ng Gin Kings (1-1) kontra sa unbeaten na Northport (3-0) sa Mall of Asia Arena.

Inaasahang mapupunan ni Dillinger ang serbisyo nina Jeff Chan at Joe Devance na kasalukuyang nasa injury list ng koponan. Makakasama niya sa atake ng Gin Kings sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Art Dela Cruz, Kevin Ferrer, Greg Slaughter, Japeth Aguilar at reigning Best Import na si Justin Brownlee.

 

Show comments