CEU pasok sa semis

MANILA, Philippines — Kulang-kulang man, wagi pa rin ang Centro Escolar University kontra sa Go For Gold-CSB, 84-74 sa do-or-die Game 2 ng quarterfinals upang masikwat ang huling semifinal tiket ng 2019 PBA Developmental League kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Hindi nagpahinga ang reinforcement na si Maodo Malick Diouf sa loob ng 40 minutong laban tungo sa pagre-histro ng pambihirang 25 puntos, 20 rebounds, tatlong assists, dalawang steals at dalawang supalpal upang pangunahan ang undermanned na Scorpions.

Maagang lumamang ng hanggang 17 puntos ang CEU kahit pa pitong manlalaro lang ang nakipaglaban para sa kanila bago mag-alsa ang Go For Gold at lumapit ito sa 64-68 sa kalagitnaan ng fourth quarter.

Sa kabutihang palad, may gasolina pang natira na sa tangke ng CEU upang mapigilan ang comeback ng Go For Gold na nakapuwersa ng Game 2 matapos ang 84-81 na panalo sa Game 1.

“I’m happy for the boys, lalo na yung naglarong seven, lalo na kay Malick. He’s been our game changer sa league na ito,” ani head coach Derrick Pumaren.

Pitong manlalaro lang ang sumalang para sa CEU dahil sa kasalukuyang imbestigasyon ng paaralan sa walong iba pang players na nasangkot sa game-fixing-- bagay aniya na walang lugar sa kanila ayon kay Pumaren.

“Yung seven players, na-involve sa game-fixing and we have strong evidences and they admitted it and they’re out of the team. We cannot tolerate it,” ani Pumaren sa mga naturang manla-laro na sina Judel Fuentes, Tyron Chan, Jan Formento, Christian Uri, Keanu Caballero, John Rojas at John Lisbo. “Yung game na mahal natin, parang nababoy at parang hindi tama yun. Masyadong unfair sa mga gustong maglaro.”

Dahil dito, abante na ngayon ang Scorpions sa semifinals kontra sa St. Clare College-Virtual Reality na dinispatsa agad ang Metropac-San Beda nitong Martes upang makapasok agad sa Final Four.

Show comments