Elite may pinatunayan
MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang sunod na overtime wins ay ipinakita naman ng Elite na kaya nilang manalo sa isang high scoring game.
Nalampasan ng Blackwater ang paghahabol ng Columbian sa final canto para kunin ang 118-110 panalo at solohin ang pamumuno sa 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si import Alex Stepheson ng 26 points, 21 rebounds, 7 blocks at 3 assists para sa 3-0 record ng Elite ni head coach Aris Dimaunahan.
Nagposte naman si No. 2 overall pick Ray Ray Parks ng 23 points, tampok dito ang 4-of-9 shooting sa three-point range, bukod pa ang 5 boards, 5 assists at 2 steals.
Nauna nang tinakasan ng Blackwater sa overtime ang Meralco, 94-91,at nagdedepensang Barangay Ginebra, 108-107.
“We know for a fact that Columbian can win games here. If you slack against them, they’ll going to step on you,” sabi ni Dimaunahan sa Dyip, nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan.
Matapos kunin ng Blackwater ang 13-point lead, 92-79 sa bungad ng final canto sa tres ni Maliksi ay naghulog naman ang Columbian ng 13-2 bomba para idikit ang laro sa 92-94 sa 8:11 minuto nito.
Huling nakalapit ang Dyip sa 105-106 mula sa tres ni Barone sa 3:50 minuto ng laro bago nagtuwang sina Stepheson, Parks at Mac Belo para muling ilayo ang Elite sa 113-105 sa nalalabing 44.6 segundo.
Nagdagdag sina Maliksi at Belo ng tig-19 points para sa Blackwater kasunod ang 11 markers ni Sumang.
- Latest