MANILA, Philippines — Muling pinahanga ni veteran guard Janine Pontejos ang mga manonood mula sa kanyang ipinukol na 8 points sa three-point line.
Subalit hindi ito sapat para mailigtas niya ang kanyang koponan sa pagkakasibak.
Nakalasap ang Gilas Pilipinas women’s team ng 16-21 pagkatalo sa Australia sa quarterfinal round ng 2019 FIBA 3x3 Asia Cup kahapon sa Changsha, China.
Nag-ambag si Afril Bernardino ng 5 markers habang may 2 at 1 points sina Jack Animam at Clare Castro, ayon sa pagkakasunod.
Inilista ng mga Pinay dribblers ang 4-1 bentahe kasunod ang pag-init ni Alice Kunek para ibigay sa Australia ang 16-14 kalamangan.
Idinikit ni Castro ang koponan ni head coach Patrick Aquino sa 15-16 agwat habang muling kumamada si Kunek para ilayo ang mga Aussies sa huling 1:31 minuto ng labanan.
Humataw si Kunek na may 13 points para sa Australia, ang bronze medalists noong nakaraang taon.
Ang nasabing paglahok sa FIBA 3x3 Asia Cup ay isa sa mga ginagawang paghahanda ni Aquino para sa Gilas Pilipinas women’s team na magpipilit kunin ang gold medal sa darating na 30th Southeast Asian Games na pamamahalaan ng bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 10.