MANILA, Philippines — Pakay ng Cignal-Ateneo at Valencia City Bukidnon-SSCR na makatawid agad sa semifinals sa pakikipagsagupa nila sa magkaibang katunggali ngayon sa pagsisimula ng 2019 PBA Developmental League Quarterfinals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Parehong armado ng twice-to-beat incentive sa quarterfinals bilang No. 1 seeds ng kanilang mga grupo, walang planong ipamigay ng Cignal at Valencia ang kanilang bentahe upang makauna na agad sa Final Four ng prestihiyoso at makasaysayang 20-team D-League tourney.
Unang sasalang ang Blue Eagles na numero unong koponan sa Aspirants’ Group kontra sa fourth seed ng Foundation Group na Chadao- FEU sa alas-2 ng hapon.
Susunod naman sa kanila ang Foundation Group leader na Valencia City na lulubusin ang playoff edge kontra sa fourth seed ng Aspirants’ Group na Che’Lu Bar and Grill sa alas-4 ng hapon.
Tangan ang 8-1 kartada papasok sa playoffs, paboritong sasalang ang Ateneo subalit iginiit ni head coach Tab Baldwin na wala siyang inaasahan sa Blue Eagles dahil lahat ng ito ay bahagi lang ng kanilang paghahanda sa paparating na UAAP Season 82.
“Now, we’re starting to focus on the team actions and team performance, but I don’t have that high expectations on how we’ll play. I just want them to do things right and so far, we’ve been kinda pretty good,” ani Baldwin.
Sasandal ang Ateneo kina import Ange Kouame, Thirdy Ravena, Isaac Go gayundin sa magkapatid na sina Matt at Mike Nieto.
Ngunit hindi naman papadagit nang basta-basta lang ang Tamaraws lalo’t nakasakay ito sa apat na sunod na panalo kabilang na ang krusyal na 74-69 panalo kontra sa CEU upang makasampa sa playoffs.
“Different team pero same approach pa rin kami,” ani FEU coach Olsen Racela na hangad makapuwersa ng sudden-death kontra sa UAAP rival na Ateneo.
“It will be a good test for us kung nasaan na kami in terms of our preparation.”
Kapara ng Ateneo ang hangarin ng Valencia City na sasabak sa playoffs hawak ang 8-1 kartada sakay ng limang sunod na panalo bilang top seed ng Foundation Group.
“Masyadong beterano ang mga kalaban namin. Kaya dapat maging handa lang kami sa kanila,” sabi naman ni Macaraya na ayaw pakampante kontra sa Che’Lu na siyang back-to-back runner up ng D-League noong nakaraang taon.