2019 India Open International slugfest
MANILA, Philippines — Nakasungkit ang national boxing team ng dalawang gintong medalya sa 2019 India Open International Boxing Tournament na ginanap sa Karmabir Nabin Chandra Bordoloi Indoor Stadium sa Guwahati, India.
Sumuntok ng ginto sa kani-kaniyang dibisyon sina dating world champion Josie Gabuco (women’s light flyweight 45-48 kg.) at Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial (men’s middleweight 75 kg.) matapos magtala ng magkaibang panalo.
Nailusot ni Gabuco ang 3-2 split decision win laban kay Monika ng India sa gold-medal match.
Pumabor kay Gabuco ang mga hurado mula sa Iran, Singapore at Tajikistan na pare-parehong nagbigay ng 29-28 puntos habang nakuha ni Monika ang boto ng mga judges mula sa Kazakhstan at Turkmenistan.
Nakapasok sa finals si Gabuco nang iselyo nito ang unanimous decision win (5-0) kay Kalavani ng India sa semifinals.
Mas naging madali naman ang tinahak na daan ni Marcial na nagtala ng walk-over win laban kay Ashish Kumar ng India sa finals.
Nakasiguro ng tiket sa championship round si Marcial nang magtala ito ng impresibong first-round knockout win kay Manjeet Panghal ng India gayundin ng second-round knockout victory kay Sangay Wangdi ng Bhutan.
Nagkasya naman sa tansong medalya si Carlo Paalam na natalo kay Deepak ng India sa semis via walk-over.
Kabilang din sa mga lumahok sina James Palicte (men’s light welterweight 64 kg.), Nice Petecio (women’s fea-therweight 54 kg.), Cleo Tesara (men’s flyweight 45-48 kg.) Ryan Boy Moreno (men’s lightweight 60 kg.) Marjon Pia-nar (men’s welterweight 69 kg.), Mario Fernandez (men’s bantamweight 56 kg.), Claudine Veloso (women’s bantamweight 51 kg.), Irish Magno (women’s bantamweight 51 kg.) at Nesthy Petecio (women’s lightweight 57 kg.).