MANILA, Philippines — Ang premyong P3 milyon ang paglalabanan ng walong kabayo sa unang yugto ng Triple Crown ng Philippine Racing Commission’s Triple ngayon sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.
Paborito sa nasabing labanan ang Real Gold na pagmamay-ari ng C&H Enterprises at ang Obra Maestra ni Leonardo Javier, Jr.
Palaban din ang mga Boss Emong (jockey JT Zarate, owner Edward Vincent M. Diokno); JAYZ (Ja Guce, SC Stockfarm, Inc.); My Jopay (RD Raquel Jr., Moises B. Villaseñor); My Shelltex (JB Hernandez, Antonio V. Tan, Jr.); Toy for the Bigboy (JB Cordova, Alfredo Santos) at Westeros (AR Villegas, Juan Miguel D. Yulo).
Tatanggap ng P1.8 milyon ang mananalo sa naturang karera, samantalang P675,000 ang ibibigay sa ikalawang puwesto.
Ang ikatlo at ikaapat na pupuwesto ay may P375,000, at P150,000, ayon sa pagkakasunod, habang P100,000 ay nakalaan sa breeder ng mananalong kabayo.
“We are very excited with the coming 1st leg of the Triple Crown because of the caliber of the local horses participating in this year’s event with the eventual winner setting the pace for 2019. The horse that wins will not only earn it’s place in history, but will set the bar for the succeeding legs in the following months,” ani Andrew Sanchez, Philracom chairman. “We wish all the runners the best of luck!”
Nakatakda ding itakbo ang unang yugto ng Philracom Hopeful Stakes Race kung saan 12 matitikas na lokal na kabayo ang magsasagupa katulad ng Best Regards, Dugong Bughaw, Gepnits, Gil’s Magic, Harapin ang Bukas, Kentucky Rain, Mood Swing, Phenomenal, Shanghai Noon, The Accountant, Two Timer at Turns Gold.
Ang magwawagi sa distansyang 1,600 metro ay tatanggap ng P1 milyon.
Bago ito ay nakahanda na rin ang unang leg ng Locally Bred Stakes Race kung saan maghaharap ang coupled runners na Always Ready and Sure Win, Claudia’s Pride, Coup d’ Etat, Electrify, Iikot Lang, Mona’s Mark, Oktubre Katorse, Ready Set Go, Serafina, Silab, Sultanov, Trust Worthy at Weather Lang.
Ang suma total na premyo ay P500,000 sa karera na may distansyang 1,600 metro.
Ang huling kabayong nagwagi ng Triple Crown ay ang Sepfourteen ng SC Stockfarm noong 2017 at ang Kid Molave ni Emmanuel Santos noong 2014.