Meralco nakabawi
MANILA, Philippines – Solidong suporta ang nakuha ni import Gani Lawal mula sa kanyang mga local teammates.
Kumolekta si Lawal ng 25 points at 27 rebounds habang apat pang Meralco players ang tumapos sa double figures para patumbahin ang Columbian, 101-92 sa 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdagdag si guard Baser Amer ng 21 markers tampok ang 5-of-7 shooting sa three-point line kasunod ang 17, 12 at 10 markers nina Trevis Jackson, Chris Newsome at Cliff Hodge, ayon sa pagkakasunod para sa 1-1 baraha ng Bolts.
Ito naman ang panga-lawang sunod na kabiguan ng Dyip, nakahugot kay import Kyle Barone ng 26 points, 16 boards at 3 assists.
“We lost a really tough game the last time out in overtime. We even had a chance to win it in regulation,” sabi ni coach Norman Black sa 91-94 overtime loss ng Meralco sa Blackwater. “But today, we played a lot better offensively and defensively.”
Kinuha ng Bolts ang 23-18 bentahe sa opening period bago itinayo ang 15-point lead, 50-35, laban sa Dyip sa halftime.
Ang fastbreak basket ni Rashawn McCarthy ang naglapit sa Columbian sa 88-94 sa huling 2:28 minuto ng fourth quarter.
Nagtuwang naman sina Newsome, Hodge at Lawal para muling ilayo ang Meralco sa 99-89 sa huling 33.1 segundo ng sagupaan.
Samantala, target naman ng NorthPort at TNT Katropa ang kani-kanilang ikalawang sunod na panalo.
Haharapin ng Batang Pier ang NLEX Road Warriors ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang pakikipagharap ng Tropang Texters sa Alaska Aces sa alas-6:45 ng gabi sa Big Dome.
- Latest