MANILA, Philippines – Angat na angat ang volleyball sa bansa.
At sa kauna-unahang pagkakataon, gagawaran ng pagkilala ang mga volleyball stars na tunay na nagningning sa NCAA at UAAP sa gaganaping 2019 Chooks-to-Go Collegiate Press Corps Awards sa Lunes sa Amelie Hotel Manila sa Malate, Manila.
Ibibigay kina Sisi Rondina ng University of Santo Tomas at Regine Arocha ng Arellano University ang Volleyball Player of the Year awards matapos ang impresibong kampanya sa kani-kanyang collegiate leagues.
Magarbong tinapos ni Rondina ang kanyang taon sa kampo ng Tigresses matapos kubrahin ang ikaapat na korona sa beach volleyball kasama ang ikaapat na MVP award.
Tinulungan din ng 5-foot-6 Cebuana rookie-laden Tigresses na makabalik sa indoor volleyball finals sa unang pagkakataon sa walong taon.
Halos abot-kamay na ng UST ang pagkakataong maibalik sa España ang korona.
Ngunit bigo ang Tigresses na maisakatuparan ang plano matapos yumuko sa Ateneo de Manila University sa Game 3 ng best-of-three championship series.
Nakuha ni Rondina ang season MVP award – ang unang MVP ng UST sa loob ng 12 taon.
Napantayan din ni Rondina ang double MVP (beach volley at indoor) ni Far Eastern University setter Wendy Semana may 11 taon na ang nakalilipas.
Si Rondina rin ang isa sa dalawang UAAP Athletes of the Year.
Sa kabilang banda, malaki ang bahagi ni Arocha para makopo ng Lady Chiefs ang korona sa NCAA Season 94.
Tinalo ng Arellano ang University of Perpetual Help System Dalta para makumpleto ang three-peat. Naibulsa rin ni Arocha ang ikalawang sunod na Finals MVP award.
Makakasama nina Rondina at Arocha sa mga pararangalan sina Ateneo player Angelo Kouame at San Beda ace Javee Mocon (Pivotal Players), Lyceum cager CJ Perez at Adamson star Sean Manganti (Impact Players) at ang National University women’s basketball team (Award of Excellence).