Che’lu habol ang playoffs

MANILA, Philippines — Pakay ng Che’Lu Bar and Grill na mapanatiling buhay ang pag-asa nitong makasampa sa playoffs sa huling laban nito kontra sa Family Mart-Enderun sa 2019 PBA Developmental League ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Magaganap ang banggaan sa alas-4 ng hapon kung saan iiwas sa kabiguan ang Revellers na opisyal na magtatanggal sa kanila sa kontensyon sa Aspirants Group kung sakali.

Apat lang ang aabante sa playoffs sa bawat grupo at sa ngayon kasi, katabla ng Che’Lu ang Diliman College-Gerry’s Grill at ang Go For Gold sa ikaapat na puwesto hawak ang pare-parehong 5-3 baraha.

Sa kasamaang palad, kahit pa manalo ang Che’Lu ay wala pa ring kasiguraduhang aabot ito sa playoffs dahil hahantong sa quotient ang tatlong koponan kung mananalo rin ang Diliman at Go For Gold sa kanilang mga huling laban.

Ang mahalaga, ayon kay coach Stevenson Tiu ay may pag-asa pa rin sila.

“We need our players to play their role. ‘Di namin nakuha ‘yun sa first part ng tournament so right now, ‘yun ang challenge. Kailangan win or lose, we just give our best and hope for the best,” ani Tiu.

Sasandal ang Revellers sa dalawang sunod na tagumpay nito kabilang na ang malaking 115-77 panalo kontra sa AMA Online Education noong nakaraang linggo.

Mangunguna sa naturang misyon ng Che’Lu sina Rey Suerte, Jeff Viernes at Jhaps Bautista.

Sa kabilang banda, nais namang manggulo na lang ng Family Mart-Enderun sa mga gustong makasabit sa playoffs dahil sibak na ito sa kontensyon ng naturang 20-team D-League tourney.

Makakatulong sa naisin ng Family Mart ang una nitong panalo sa D-League, 116-94 kontra rin sa AMA noong nakaraang linggo upang uma-ngat sa 1-6 baraha.

“Hopefully, we’ll carry the momentum,” ani mentor Pipo Noundou.

Gigiyahan naman nina Valandre Chauca kasama ang mga dating PBA players na sina Marvin Hayes at Fonso Gotladera ang atake ng Titans  na tatangkang pigilan ang playoff push ng Revellers.

Sa unang laro naman sa alas-2 ng hapon, maugong na pagtatapos din ang gusto ng SMDC-NU (3-5) sa Foundation Group kontra sa tanggal na ring Perpetual (2-6). 

Show comments