MANILA, Philippines — Isa sa mga hindi makakalimutan na upset win sa 1st Leg ng Triple crown ang pagkakapanalo ng Materiales Fuertes noong 2000, maraming drama ang naganap sa araw ng kanyang laban.
Nirendahan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang Materiales Fuertes, bumenta lamang ng P92,000 sa P1.4-M sales na dominado ng liyamadong Amphitheatre at Hazmoore ang bentahan.
Bugaw pa sa largahan ang Materiales Fuertes pero nang mag-init ay nilampasan nito ang mga katunggali sa far turn pa lang at sa home stretch ay lumayo na rin sa Amphitheatre.
“Naalala ko noon may bisyo si Materiales Fuertes sa largahan, palagi itong naiiwan o minsan mabagal,” kuwento ni Mang Ruben, ang beteranong karerista. “Sa triple crown, maputik kasi noon kaya medyo mabagal sa arangkada pero dahil mahaba ang karera ay sumakto sa kanya ang distansya.”
Inirehistro ng Materiales Fuertes ang 1:42. 4 minuto sa 1,600 meter race pero ayon sa mga nakasaksi ay puwede pang mag-1:39 dahil nahulugan pa ng latigo si Zarate sa huling 150 metro ng karera.
“Mabuti nakalayo ang Materiales Fuertes kasi kung basaan ang laban, malamang talo dahil kamay lang ang ginagamit ni idol Zarate, nalaglagan kasi siya ng latigo.” saad ni Bonnie Salvador, (Karerista).
Dahil sa panalo ng Materiales Fuertes, nakalsuhan din ang four-game winning streak ng Amphitheatre noong araw na iyon.
May dugong kampeon ang Materiales Fuertes dahil kapatid nito ang superhorse na Strong Material, winalis ang tatlong legs ng triple crown noong 1996.
Samantala, malapit nang ilarga ang 2019 1st Leg Triple crown na aarangkada sa May 26 sa pista ng San Lazaro sa Carmona, Cavite.
Nakaraan ay nagsaad na ng pagsali ang mga horse owners sa event na ang tatakbo lamang ay mga registered locally born 3YO horse na nakasali na sa ibang regular race.
Nakalaan ang gua-ranteed prize na P3-M, ibubulsa ng magkakampeon ang P1.8-M, masisilo ng pangalawa ang P675,000 habang P375,000 at P150,000 ang iuuwi ng third at fourth placers ayon sa pagkakasunod.
Tatanggap din P100,000 ang breeder ng winning horse sa event na may 1,600 meter race.
Kakargahin ng Fillies ang 52kgs. habang 54kgs. ang papasanin ng Colts, sa susunod na araw, malalaman kung sino ang nagdeklara ng pagsali sa prestihiyosong event para sa mga batang kabayo.
Inaasahang nasa line-up ang mga tigasing Obra Maestra, Real Gold at Sheltex Magic.
Nagkampeon ang Obra Maestra sa Juvenile Championship noong nakaraang taon at dahil sa mga ipinakitang performance sa mga nakaraang takbo ay maugong na masisikwat nito ang first leg.