SSC pinatibay ang tsansa sa No. 1 berth
MANILA, Philippines — Pinalakas ng Valencia City Bukidnon-SSC ang tsansang masikwat ang top seed sa Foundation Group nang igupo ang CD14 Designs-Trinity, 105-82, sa 2019 PBA-Developmental League sa Ynares Sports Arena sa Pasig City kahapon.
Namuno para sa Golden Harvest si Emmanuel Bonleon na umiskor ng 20 points sa first quarter kung saan umabante agad sila sa 36-23.
Sapat na ang lamang na iyon para sa Valencia nang paalagwahin pa nila ito hanggang sa 25 puntos tungo sa malaking panalo.
Nakasosyo ng Valencia ang CEU sa unang puwesto ng Foundation Group hawak ang 7-1 baraha papasok sa huling laban nila sa elimination round.
“Ang focus namin is one game at a time. May opportunity sa top spot at dahil doon, na-motivate ang mga bata, so why not?” wika ni head coach Egay Macaraya na nakasiguro ng ‘twice-to-beat’ incentive sa crossover playoffs kontra sa Aspirants Group.
Nagtapos na may 23 points si Bonleon at nagbuhos ng 28 markers, 6 rebounds, 3 steals at 2 assists ang lider na si Allyn Bulanadi.
Nag-ambag din ng double-double na 16 points at 11 rebounds si JM Calma para sa SSCR-backed Valencia na naghahanda rin para sa nalalapit na NCAA Season 95.
Sa kabilang banda, bigo pa ring makarehistro ng panalo ang CD14 Designs-Trinity sa kabila ng 22 points at 9 rebounds ni Clark Derige.
Sa isa pang laro, tinambakan din ng Family Mart-Enderun ang AMA Online Education, 116-94, upang makuha ang una nilang panalo sa D-League debut.
Nagtala ng 4 points, 7 rebounds at 7 assists si Valandre Chauca upang giyahan ang atake ng Titans na pinaganda ang marka sa 1-6.
- Latest