MANILA, Philippines — “Sa mga players, maraming, maraming salamat sa inyo. Nagmukha akong magaling na coach dahil sa inyo.”
Ito ang pahayag ni San Miguel mentor Leo Austria sa kanyang mga magigiting na manlalaro matapos itakas ang kahindik-hindik na 72-71 panalo kontra sa Magnolia sa Game Seven ng 2019 PBA Philippine Cup Finals kamakalawa ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bunsod nito ay nasikwat ng Beermen ang makasaysayang ‘five-peat’ All-Filipino conference championship para sa ika-26 kabuuang titulo upang patibayin ang posisyon bilang pinakamatagumpay na prangkisa sa PBA.
Para kay Austria, ito na ang kanyang pang-pitong kampeonato buhat nang magsimulang maging coach ng SMB noong 2014.
Bagama’t hindi kaila na malaki ang ambag sa pagkamal ng Beermen ng mga kampeonatong iyon, hindi naiwasan ni Austria na bigyan ng pagpupugay ang kanyang mga bataan na ginagawang mas madali ang kanyang trabaho bilang head coach.
“I’m so thankful for the players. We had lot of challenges and now we’re making a lot of history,” ani Austria kina Finals MVP June Mar Fajardo, Arwind Santos, Chris Ross, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Terrence Romeo at Christian Standhardinger.
Isinantabi naman ni Austria ang kanyang pagbibiro nang amining hindi niya inakalang magiging San Miguel coach, PBA coach at ‘five-peat’ All-Filipino Cup champion siya lalo at sa collegiate at amateur level lang siya nagsilbi.
“I never imagined this kind of success. I never thought that this will happen,” pahayag ni Austria. “I never thought of becoming a PBA head coach, a San Miguel coach. I never thought that we will win 5-peat under my tutelage but God is really good.”
Sa kabila nito, nagbigay-pugay pa rin si Austria kay Chito Victolero at sa Magnolia na muntikan nang makasilat at mapigilan ang limang sunod na All-Pinoy championship ng SMB.
“Allow me to congratulate Magnolia for bringing the best in us. Hindi ako makapaniwala na nakalusot kami,” dagdag ni Austria.