MANILA, Philippines — Walang dapat ikahiya ang Magnolia kahit kinapos sa pagsilat sa San Miguel sa Game Seven ng 2019 PBA Philippine Cup Final.
Matapos kasing lumamang ng hanggang 17 puntos sa simula, tumirik ang Hotshots sa dulo patungo sa masakit na 71-72 kabiguan sa Beermen.
Nagkaroon ng maraming tsansa ang Magnolia upang maagaw ang kampeonato sa SMB subalit hindi lang talaga pumabor sa kanila ang tadhana.
“It’s the breaks of the game. We managed to stay close and had a chance in the end. The good thing there is we had a chance. We had opportunities to win the ballgame. But you know, its the breaks of the game,” ani coach Chito Victolero.
“Credits also to SMB. They worked hard for this game,” dagdag nito.
Hindi naman ibig sabihin ng pagkatalo ay dapat yumukod na ang Magnolia lalo’t nalagpasan nila ang ekspektasyon ng karamihan lalo na ng kanilang mga kritiko na hindi inakalang makakapuwersa sila ng Game Seven.
“Lahat wala namang naniniwala na makaka-abot kami sa Game Seven. Some of you are thinking that this is a sweep, 4-1, or maybe 4-2. But you know, on our circle, sa amin, kami naniniwala kami na we can do it. That’s our battlecry: believe,” aniya.
“Pagka-tiningnan mo ‘yung conference namin, it was magnificent. So there’s nothing to be ashamed of,” dagdag pa nito.
Dahil dito, tiwala si Victolero na mas malakas, mas matibay, mas mautak at mas magaling na Hotshots ang babalik sa 2019 PBA Commissioner’s Cup.