MANILA, Philippines — Mag-uunahanan ang Ironcon-UST at ang St. Clare College-Virtual Reality sa pagbulsa sa ‘twice-to-beat’ advantage sa 2019 PBA-Developmental League sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang laro ng UST at St. Clare ngayong alas-4 ng hapon kung saan ang magwawagi ay makakasiguro ng second seed sa Aspirants’ Group at sasamahan ang Cignal-Ateneo sa playoffs.
Parehong may 5-2 marka ang Tigers at Saints para magtabla sa segunda at tersero puwesto.
Matapos ang 4-0 simula ay nadale ng dalawang mahalagang talo ang UST sa huli nitong tatlong laro upang humina ang dati’y halos sigurado nang playoff edge chances.
Pinakamasakit dito ang 80-92 kabiguan nila kontra sa Che’Lu Bar and Grill noong nakaraang linggo.
Para kay head coach Aldin Ayo, hindi nila iisipin ang ‘twice-to-beat’ edge dahil ang pangunahin pa rin nilang misyon ay maiayos ang sistema at chemistry ng koponan para sa nalalapit na kampanya nila sa Season 82 ng UAAP.
“Iyon naman ang inaayos natin, ‘yung sistema. Bata pa rin ang team kaya kailangan naming maranasan ‘yung mga ganitong hardships,” wika ni Ayo.
Sasandal si Ayo sa pambato nilang import na si Soulemane Chabi Yo kasama ang bagitong sina Rhenz Abando at Mark Nonoy gayundin ang mga beteranong sina Marvin Lee at Renzo Subido.
Sa kabilang banda, humabol naman sa karera ang St. Clare matapos ang malaking 93-82 panalo kontra McDavid na nagtulak sa kanila sa 5-2 baraha.
Subalit hindi doon natatapos ang misyon ng Saints, ayon kay Head coach Jinno Manansala.
“Tuloy lang namin ang trabaho namin. Ready kami laban sa UST,” sabi ni Manansala.