Skippers binuhay ang tsansa sa playoffs
MANILA, Philippines — Buhay pa ang pag-asa ng Marinerong Pilipino na makasabit sa playoffs matapos ilubog ang Perpetual, 90-76, sa 2019 PBA-Developmental League sa Ynares Sports Arena sa Pasig City kahapon.
Nagtulong sina Gab Banal at Santi Santillan sa krusyal na panalo ng Skippers sa likod ng kanilang double-double outings.
Nagtala ng 21 points at 12 rebounds si Santillan, habang may 27 markers, 12 boards at 6 assists si Banal.
Bunsod nito ay nakahabol ang Marinero mula sa maagang 20-32 pagkakabaon para makapagtayo ng malaking 50-36 abante papasok sa halftime.
Hindi na lumingon ang Skippers patungo sa mahalagang panalo na nagpalakas sa kanilang tangkang makasabit sa top four ng Foundation Group.
Umangat sa 5-4 ang baraha ng Marinero para malagpasan ang FEU para sa huli at ikaapat na puwesto sa Foundation Group.
Kinakailangan ng Skippers na humiling ng kabiguan ng FEU kontra sa top seed na CEU sa susunod na linggo upang masiguro ang naturang puwesto.
“Masaya kami, especially sa huling dalawang laro namin. Like ‘yung sinasabi ng management, maipanalo lang namin ‘yung natitira naming mga laro, at masaya naman ako na nakuha namin,” ani coach Yong Garcia.
Samantala, kumubra naman si Edgar Charcos ng 19 points, 5 assists, 4 rebounds at 2 steals para sa Altas na matagal nang natanggal sa kontensyon ng 20-team D-League tournament.
Nagdagdag si Jielo Razon ng 15 points, 6 boards at 6 assists para sa Perpetual.
Samantala, ang panalo ng Marinero ang opisyal nang sumibak sa Diliman College-Gerry’s Grill mula sa kontensyon sa Foundation Group.
- Latest